Overview ng Gabay

Isinabatas ang Republic Act 11469 (kilala din sa pamagat na “Bayanihan to Heal as One Act”) noong 23 Marso 2020 na nagdedeklara ng isang national health emergency sa buong Filipinas dahil sa panganib ng COVID-19.

Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan ng Kongreso ang Pangulo na makapagsagawa ng mga kinakailangang espesyal na kapangyarihan, sa isang limitadong panahon at may mga tiyak na limitasyon, upang tugunan ang suliraning may malinaw at umiiral na panganib sa mga mamamayan.

Tungkol sa Gabay

Nagbibigay lamang ang Gabay na ito ng pagpapasimple sa mga susing probisyon sa naturang batas at naglalayon lamang na ganyakin ang higit na malawak at makabuluhang talakayan hinggil sa mga usaping panlipunan at pampolitika kaugnay ng pagtugon ng Filipinas sa COVID-19 emergency.

Hinihimok ang mga mambabasa na suriin ang RA 11469 sa kabuoan nito gayundin ang iba pang mga kaugnay na batas, lalo na ang 1987 Konstitusyon.

Hinihimok din ang mga mambabasa na maging mapagmasid at mapanuri sa pamamagitan ng higit na pag-alam ng mga impormasyon sa krisis pangkalusugan na ito.

Mga Tanong

  1. Ano ang katwiran ng batas na ito?
  2. Nagkaroon ba ng ibang pagkakataon na nagdeklara ng national health emergency sa Filipinas sa nakalipas na panahon?
  3. Ito ba ang unang nakahahawang sakit (infectious disease) na tumama sa Filipinas?
  4. Ito ba ang unang pagkakataon na nagpatibay ang pangulo ng emergency proclamation mula noong 1987?
  5. May batayang konstitusyonal (constitutional basis) ba ang pagpapatibay ng batas na ito?
  6. Bakit hindi maaaring magdeklara na lamang ang pangulo ng batas militar upang tugunan ang emergency sa kalusugan dulot ng COVID-19?
  7. May maksimum na panahon ba ang bisà ng Batas?
  8. Ano ang magagawa sa pamamagitan ng Batas?
  9. Sino ang mga PUI at PUM?
  10. Ano ang mga uri ng istandard at protokol na pinahihintulot ng Batas para sa pagpigil at pagsugpo sa paglaganap pa ng COVID-19 sa Filipinas?
  11. Sapagkat isa itong national health emergency, may karapatan ba sa anumang benepisyo ang mga manggagawang pangkalusugan (health worker) alinsunod sa Batas?
  12. Ano ang mga tungkulin ng pamahalaang lokal alinsunod sa Batas?
  13. Ano ang dapat na asahan ng publiko sa pansamantalang emergency powers ng Pangulo alinsunod sa Batas?
  14. May iba pa bang espesyal na pansamantalang kapangyarihan (special temporary powers) na ibinibigay sa Pangulo alinsunod sa Batas?
  15. Pinahihintulutan ba ng Batas ang Pangulo na baguhin ang anuman sa 2020 badyet ng pamahalaang pambansa?
  16. Ano ang mangyayari sa iba pang proyekto at programa na pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan na hindi kaugnay ng pagtugon sa COVID-19 emergency?
  17. Pinahihintulot ba ng Batas ang mga donasyon ng mga produktong pangkalusugan?
  18. Kanino dapat managot ang Pangulo alinsunod sa Batas?
  19. Pinahihintulot ba ng Batas ang pagkakaroon ng mekanismo ng pagsusuri?
  20. Maaari bang ipawalang-bisà ng Batas ang alinman sa mga umiiral na batas o regulasyon?
  21. Pinawawalang-bisà ba ng pagdedeklara ng isang health emergency ang Konstitusyon at ang anumang tadhana nito?
  22. Parurusahan ba ng Batas ang mga lumabag sa mga tadhana nito?
  23. Ano ang mga paglabag na maparurusahan alinsunod sa Batas?
  24. Alinsunod sa Batas, maparurusahan din ba ang mga nagpapakalat ng mga huwad na impormasyon (false information)?
  25. Alinsunod sa Batas, ano ang bumubuo sa mga elemento ng gulo, pangamba, anarkiya, takot, at pagkalito na iniuugnay sa pagpapalaganap ng huwad na impormasyon?
  26. Kung gayon, protektado pa din ba ang mga karapatang Konstitusyonal ko?

01
Ano ang katwiran ng batas na ito?

Pinagtibay ng Kongreso ang batas bilang pagsaalang-alang sa lubhang panganib pangkalusugan at gambalang banta ng COVID-19 sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan at sa pangkalahatang ekonomiya (Seksiyon 2).

Napagtibay ang batas bunsod ng mga paunang hakbang na isinagawa ng pangulo upang tugunan ang COVID-19 sa pagpapatibay ng Proklamasyon 922 (nilagdaan 8 Marso 2020) na nagpapahayag ng state of public health emergency sa buong Filipinas at pagpapatibay ng Proklamasyon 929 (nilagdaan 16 Marso 2020) na nagpapahayag ng state of calamity sa buong Filipinas at nagpapataw ng isang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


02
Nagkaroon ba ng ibang pagkakataon na nagdeklara ng national health emergency sa Filipinas sa nakalipas na panahon?

Wala. Ito ang unang national health emergency powers na pinagtibay ng Kongreso upang maipatupad ng pangulo simula noong pinagtibay ang 1987 Konstitusyon.

Gayunman, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpahintulot ang Kongreso ng isang special temporary emergency power sa pangulo at sa sangay ehekutibo ng pamahalaan.

Noong 1991, ipinasá ng Kongreso ang RA 6978 upang pahintulutan ang pagpapabilis ng mga proyekto ng konstruksiyon ng mga irigasyon (sa loob ng sampung taon) para sa National Irrigation Administration (NIA) bilang pagsaalang-alang sa nagbabantang krisis sa sektor ng agrikultura sa panahong iyon.

Nang matantong ang bansa ay humaharap sa krisis sa elektrisidad, ipinasá ng Kongreso ang Electric Power Crisis Act of 1993 (RA 7648) na nagpahintulot sa dating Pangulong Fidel Ramos na magsagawa ng mga negotiated contract para sa konstruksiyon, pagsasaayos, rehabilitasyon, at pagpapaunlad o pagmamantene ng mga power plant, mga proyekto, at mga pasilidad alinsunod sa mga tiyak na rekisito. Nagbigay-daan din ang batas para sa reorganisasyon ng National Power Corporation (NAPOCOR). Ang mga ito ay hindi magaganap sa mga karaniwang pagkakataon. Nagkaroon ng bisa ang batas na ito sa loob lamang ng isang taon.

Ipinasá din ng Kongreso ang National Water Crisis Act of 1995 (RA 8041) na nagpahintulot sa pamahalaan na tugunan ang mga suliraning kaugnay ng krisis sa tubig. Nilikha din ng naturang batas ang Joint Executive-Legislative Water Crisis Commission.

Sa pagtatapos ng Disyembre 1989, pinagtibay ng Kongreso ang RA 6826 na nagdeklara ng state of national emergency sa buong Filipinas at nagbigay ng special emergency powers sa dating Pangulong Corazon Aquino upang maipatupad niya ang mga gawain sa rekonstruksiyon sa ekonomiya bunsod ng mga destruksiyong sanhi ng mga pag-aalsa at rebelyon ng ilang elemento ng AFP upang agawin ang kapangyarihan at hawakan ang pamahalaan (tingnan ang RA 6826).

Sa ilalim ng 1935 Konstitusyon, ang Kongreso (tinawag na National Assembly sa panahong iyon) ay nagdeklara ng state of total emergency powers at ibinigay ang president special emergency power kay dating Pangulong Manuel L. Quezon noong Disyembre 1941 upang mapagtibay niya ang anumang batas na kinakailangan sa pagtugon sa digmaan ng US at ng mga kalaban nito (tingnan ang Commonwealth Act 671).

Bumalik sa listahan ng mga tanong


03
Ito ba ang unang nakahahawang sakit (infectious disease) na tumama sa Filipinas?

Hindi. Sa nakalipas na panahon, may iba pang nakahahawang sakit na umabot sa Filipinas. Gayunman, ang COVID-19 ang naging pinakamalubhang nakahahawang sakit na hinarap ng bansa kamakailan. Sa kasalukuyan, may rekord ito na libo-libong impeksiyon at ilang daang pagkamatay, at nadadagdagan pa.

Sa pagtatapos ng 2019, natagpuan ang poliovirus sa mga sample ng dumi mula sa alkantarilya (sewer) sa Filipinas. Nagdulot ito ng pagkabahala sa mga awtoridad pangkalusugan dahil pinaniniwalaang ganap nang napuksa ang poliovirus sa Filipinas. Ang huling tala ng lokal na impeksiyon ng poliovirus sa Filipinas ay noon pang 1993. Kagyat na tinugunan ang suliranin sa pamamagitan ng malawakang kampanya sa pagbabakuna sa mga vulnerableng sektor ng populasyon, lalo na ang kabataan.

Kalagitnaan ng 2015, hinarap ng bansa ang isang usaping pangkalusugan kaugnay ng outbreak ng Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV) nang may dumating na banyaga sa bansa na taglay ang sakit na ito. Tinugon ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga establesidong protokol gaya ng kagyat na paglalapat ng lunas, pagtetest, at pagtunton ng mga nakasalamuha (contact tracing).

Mula pagtatapos ng 2008 hanggang bungad ng 2009, nagkaroon ng suliranin sa Ebola Reston nang may anim na matadero ang natagpuang may impeksiyon dahil sa kanilang araw-araw na kontak sa mga baboy.

Noong 2004 at 2005, nagkaroon ng ilang kaso ng meningococcal disease sa bansa. Noong 2003, nagkaroon ng severe acute respiratory syndrome o SARS na, noong panahong iyon, ang naging pinakamalubhang suliraning pangkalusugan na hinarap ng Filipinas na humantong sa antas ng transmisyong lokal.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


04
Ito ba ang unang pagkakataon na nagpatibay ang pangulo ng emergency proclamation mula noong 1987?

Hindi. Marami nang pangulo ang nagpatibay ng kanilang emergency proclamations upang tugunan ang mga tiyak na krisis.

Sa pagtatapos ng Mayo 2017, pinagtibay ni Pangulong Duterte ang Proklamasyon 216 na isinasailalim sa batas militar at isinususpende ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus sa kabuoang Mindanao bilang tugon sa digmaang nakasentro sa Lungsod Marawi na pinasimulan ng grupong Maute na may ugnayan sa Islamic State. Pinahintulutang magpatuloy ang batas militar sa loob ng dalawa at kalahating taon.

Sa simula ng Setyembre 2016, pinagtibay din ni Pangulong Duterte ang Proklamasyon 55 na nagdeklara ng state of emergency sa buong Filipinas bilang tugon sa pagbomba sa Lungsod Davao na pumatay sa higit sandosenang tao. Kaiba sa mga nakaraang proklamasyon, hindi tinukoy ng Proklamasyon 55 ang mga tiyak na espesyal na kapangyarihan na maaaring ipatupad ng pangulo at walang tiyak na panahon ng bisà nito.

Noong Pebrero 2006, ang dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nagpatibay ng Proklamasyon 1017 na nagdeklara ng state of national emergency dahil sa isang kudeta. Pinawalang-bisà ang state of national emergency sa bungad ng Marso 2006 sa pamamagitan ng Proklamasyon 1021.

Ang Proklamasyon 503 na pinagtibay ng dating Pangulong Corazon Aquino sa simula ng Disyembre 1989 ay nagdeklara ng state of national emergency dahil sa military adventurism at kudeta na pinangunahan ni Col. Gringo Honasan na naging banta sa pamahalaan sa panahong iyon. Ang Proklamasyon na ito ang naging sanhi ng pagbibigay ng espesyal na kapangyarihan sa pangulo sa pamamagitan ng RA 6826.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


05
May batayang konstitusyonal (constitutional basis) ba ang pagpapatibay ng batas na ito?

Oo. Ang pansamantalang emergency powers ng pangulo ay konstitusyonal kapag nakuha ito sa pamamagitan ng isang lehislatibong pagsasabatas na nagpapahintulot sa sangay ehekutibo na higit na matugunan ang isang tiyak na panganib na hinaharap ng bansa at ng mga mamamayan nito sa tulong ng isang idineklarang patakarang pambansa. Isinasaad ng 1987 Konstitusyon na:

Sa panahon ng digmaan o iba pang pambansang emergency, ang Kongreso ay maaari, sa pamamagitan ng batas, na pahintulutan ang Pangulo, para sa limitadong panahon at alinsunod sa mga tutukuyin nitong rekisito, na gumamit ng kapangyarihang kinakailangan at naangkop upang ganap na maipatupad ang isang idineklarang patakarang pambansa. (Artikulo VI, Seksiyon 23)

Bumalik sa listahan ng mga tanong


06
Bakit hindi maaaring magdeklara na lamang ang pangulo ng batas militar upang tugunan ang emergency sa kalusugan dulot ng COVID-19?

Alinsunod sa Artikulo VII, Seksiyon 18 ng 1987 Konstitusyon, maaari lamang magdeklara ng batas militar ang Pangulo para sa layuning masugpo ang mga karahasan, pagsakalay, o rebelyon. Malinaw na wala ang mga kondisyong ito sa bansa sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 emergency.

May kapangyarihan ang Pangulo na atasan ang sandatahang lakas alinsunod sa Konstitusyon. Gayunman, ang sitwasyon ay nangangailangan ng sama-sama at holistikong pagtugon sa emergency sa tulong ng mga eksperto sa kalusugan, lokal na awtoridad, pribadong sektor, at buong komunidad. Isang bagay ito na hindi matutugunan ng militar nang mag-isa.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


07
May maksimum na panahon ba ang bisà ng Batas?

Oo. Tinukoy ng Batas na ganap itong ipatutupad at may bisà sa loob ng tatlong buwan “maliban kung palalawigin ng Kongreso” o “babawiin nang mas maaga sa pamamagitan ng isang magkasabay na resolusyon ng Kongreso [Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan] o wakasan sa pamamagitan ng Pampanguluhang Proklamasyon.” (Seksiyon 9)

Gayunman, sakaling magpasiya ang Kongreso na palawigin ang bisà ng Batas, itinatakda ng 1987 Konstitusyon na ang gayong emergency powers ay hindi lalampas sa “susunod na pagtatapos Kongreso” (gaya ng itinakda sa Artikulo VI, Seksiyon 23) na, sa kaso ng kasalukuyang ika-18 Kongreso, ay matatapos sa 2023.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


08
Ano ang magagawa sa pamamagitan ng Batas?

Layon ng Batas na tugunan ang public health emergency dulot ng COVID-19. Ang sukdulang layunin ay mapangalagaan at maitaguyod ang kagalingan ng mga mamamayan. Tinukoy ng Seksiyon 3 ng Batas ang sumusunod na tiyak na layon ng pamahalaan:

  • maibsan at masawata ang pagkalat ng COVID-19;
  • kagyat na mapakilos ang mga ayuda para sa pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilya at sa mga indibidwal na apektado ng enhanced community quarantine, lalo na ang mahihirap;
  • magsagawa ng mga hakbang upang pigilin ang lubhang pagpapabigat (overburdening) sa sistema ng pangangalaga sa kalusugan (healthcare system) ng bansa;
  • kagyat na makapagbigay ng sapat na pangangalaga sa kalusugan, kasama ang mga medikal test at paglunas, sa mga pasyente ng COVID-19, person under investigation (PUI), at person under monitoring (PUM);
  • magsagawa ng mga programa para sa pagbangon at rehabilitasyon gayundin ang programa sa pagpapabuting panlipunan (social amelioration program) at iba pang proteksiyong panlipunan sa mga apektadong sektor;
  • matiyak ang sapat, husto, at kagyat na magagamit na pondo upang maipatupad ang mga binanggit na hakbang at programa;
  • makipagtulungan sa pribadong sektor at iba pang stakeholder sa mabilis at episyenteng pagdedeliver ng mga hakbang at programa; at
  • maitaguyod at maprotektahan ang kolektibong interes ng mga Filipino.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


09
Sino ang mga PUI at PUM?

Ayon sa instrumento sa pagtatáya para sa COVID-19 ng Department of Health (DOH) (as of 26 Pebrero 2020), ang person under investigation (PUI) ay ang mga nagpapakita ng alinman sa mga sintomas ng COVID-19 alinsunod sa pagkakatukoy ng mga awtoridad pangkalusugan AT may kasaysayan ng paglalakbay sa ibang bansa na may outbreak ng COVID-19 O nagkaroon ng pakikisalamuha sa isang tao na nagpakita ng sintomas ng COVID-19 O may kasaysayan ng pagkalantad (exposure) sa kumpirmadong pasyente ng COVID-19. Mangangailangan ang mga PUI ng pagpapaadmit sa ospital at kagyat na propesyonal na lunas.

Ayon din sa naturang instrumento ng DOH, ang person under monitoring (PUM) ay ang mga hindi nagpapakita ng alinman sa mga sintomas ng COVID-19 alinsunod sa pagkakatukoy ng mga awtoridad pangkalusugan NGUNIT may kasaysayan ng paglalakbay sa bansa na may outbreak ng COVID-19 O nagkaroon ng pakikisalamuha sa tao ng bansa na may COVID-19 O nagkaroon ng pakikisalamuha sa tao na nagpakita ng sintomas ng COVID-19 O may kasaysayan ng pagkalantad sa mga kumpirmadong pasyente ng COVID-19. Mangangailangan ang mga PUM ng pagbubukod ng sarili (self-quarantine) at pagmomonitor sa loob ng 14 araw.

Mangangailangan kapuwa ang mga PUI at PUM ng pagpapatest gayundin ang pagpapatunton ng mga nakasalamuha (contact tracing)—na paghanap sa mga tao na nakasalamuha sa isang tao na nalantad (expose) sa nakahahawang sakit gaya ng COVID-19.

N.B. As of 11 Abril 2020, naglabas ang DOH ng modipikasyon sa kanilang eskema sa klasipikasyon para sa mga kaso ng COVID-19. Wala na ang mga PUM sa bagong klasipikasyon, habang ang mga PUI (mga tao na nagpapakita ng alinman sa mga sintomas ng COVID-19 mula mild hanggang severe hanggang critical) ay inuuri bilang SUSPECT, PROBABLE, o CONFIRMED na kaso. Ang mga SUSPECT ay ang mga itetest pa lamang para sa COVID-19. Ang mga PROBABLE ay ang mga nabigyan na ng test ngunit naghihintay pa ng resulta. Ang mga CONFIRMED ay ang mga natiyak na positibo sa COVID-19. Ipinaliwanag ng DOH na ang bagong pag-uuri na ito ay naglalayong magbigay ng pare-parehong kalidad ng pagrereport ng datos. Hindi pinapalitan ng bagong klasipikasyon ang diwa at hangarin ng Batas na protektahan ang kapakanan ng mga Filipino sa pagtugon sa COVID-19 emergency.

Modipikadong eskema ng klasipikasyon para COVID-19 mula sa Department of Health

Bumalik sa listahan ng mga tanong


10
Ano ang mga uri ng istandard at protokol na pinahihintulot ng Batas para sa pagpigil at pagsugpo sa paglaganap pa ng COVID-19 sa Filipinas?

Alinsunod sa Batas, may pahintulot ang Pangulo na sumunod, tanggapin, at ipatupad ang mga patnubay at mga best practice ng World Health Organization (WHO) sa pagtugon sa COVID-19, lalo sa area ng pagpapabatid ng impormasyon, pagtukoy ng mga kaso, pangangalaga sa kalusugan, at paglalapat ng lunas.

Bilang dagdag, pinahihintulutan din ng Batas ang Pangulo na mapabilis (expedite) at mapadali (streamline) ang akreditasyon ng mga testing kit pati mapagaan ang maagap na pagtetest sa mga PUI at PUM kapuwa sa publiko at pribadong institusyong pangkalusugan at makapagbigay ng kagyat na pagbubukod (isolation) at paglunas sa mga kumpirmadong pasyente ng COVID-19.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


11
Sapagkat isa itong national health emergency, may karapatan ba sa anumang benepisyo ang mga manggagawang pangkalusugan (health worker) alinsunod sa Batas?

Oo. Alinsunod sa Batas, may pahintulot ang Pangulo na tiyakin na mabibigyan ang mga manggagawang pangkalusugan ng COVID-19 special risk allowance dagdag pa sa kanilang hazard pay.

Sa pagkakataon na malantad sila sa COVID-19 o sa anumang pinsala o sakit na kaugnay ng kanilang trabaho na nakuha nila sa panahon ng emergency, iaatas ng Pangulo sa PhilHealth na sagutin ang lahat ng kanilang mga gastusing medikal.

Ipinahihintulot din ng Batas na ang bawat publiko at pribadong manggagawang pangkalusugan na nagkaroon ng malubhang impeksiyong COVID-19 habang nasa trabaho ay mabibigyan ng isahang kompensasyon sa halagang PHP100,000. [N.B. Tinukoy ng Batas na “malubha” dapat ang impeksiyon upang ang mga nagpakita ng mga magaang sintomas (mild symptoms) o ang mga asintomatiko (asymptomatic) ay hindi kalipikado sa kompensasyong ito.]

Ang mga naiwang pamilya ng publiko at pribadong manggagawang pangkultura na maaaring pumanaw dahil sa pakikipaglaban sa pandemya ng COVID-19 ay pagkakalooban ng kompensasyon sa halagang PHP1 milyon. Ang dalawang uri ng kompensasyon na ito para sa lahat ng mga manggagawang pangkalusugan ay retroaktibong ipatutupad mula 1 Pebrero 2020.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


12
Ano ang mga tungkulin ng pamahalaang lokal alinsunod sa Batas?

Pinahihintulutan ng Seksiyon 4 ng Batas ang Pangulo na tiyakin na ang lahat ng mga pamahalaang lokal ay kikilos batay sa nilalaman at diwa ng Batas at ganap na makikipagtulungan sa mga atas at pagtatakda ng pamahalaang pambansa tungkol sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine upang tugunan ang COVID-19 emergency. Gayunman, pinapayagan ang mga pamahalaang lokal na gamitin ang kanilang awtonomiya (ang kalayaan sa sariling pamamalakad ng pamahalaan) “sa mga usaping hindi pa natutukoy ng Pamahalaang Pambansa” bagaman ang mga kilos na isasagawa ng pamahalaang lokal ay marapat na nakapaloob pa din sa itinatakdang parametro ng awtoridad ng pamahalaang pambansa.

Upang epektibong maipatupad ang mga pagtatakda ng enhanced community quarantine, pinahihintulutan din ng Batas ang mga pamahalaang lokal na gamitin ang higit sa 5% ng kanilang pondong pangkalamidad alinsunod sa dagdag na pagpopondo mula sa pamahalaang pambansa.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


13
Ano ang dapat na asahan ng publiko sa pansamantalang emergency powers ng Pangulo alinsunod sa Batas?

Pinahihintulutan ng Batas ang Pangulo na magbigay ng programa sa pagpapabuting panlipunan (social amelioration program) sa mga pinakanangangailangan bunsod ng enhanced community quarantine, lalo na ang mga mahirap at ang mga halos walang risorses o ipon na magagamit. Kasama ang sumusunod sa programa sa pagpapabuting panlipunan:

  • makatatanggap ang mga kabahayang may mababang kíta (income) ng emergency na buwanang subsidyo (PHP5,000 hanggang PHP8,000) depende sa halaga ng rehiyonal na minimum wage at may pagsasaalang-alang sa mga subsidyong natatanggap mula sa conditional cash transfer at mga programa sa subsidyo sa bigas. [N.B. Tinukoy ng Batas na ang emergency na buwanang subsidyo ay ibibigay lamang sa “humigit-kumulang 18 milyon kabahayang may mababang kíta.”]
  • pinalawig na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng cash o iba pang katulad, alinman ang higit na praktikal at pantay na maipatutupad sa mga pamahalaang lokal o direkta sa mga kabahayan na walang kíta o ipon at mga kabahayan mula sa impormal na sektor upang matulungan silang makabili ng mga pangunahing pangangailangan sa panahon ng kuwarentena.

Pinahihintulutan din ang Pangulo na tiyakin ang pagkakaroon ng kredit sa sektor ng produksiyon sa mga probinsiya gayundin ang mga insentibo para sa mga negosyo upang lumikha at mag-angkat ng mga kritikal o kinakailangang kagamitan na panlaban sa COVID-19 na walang pataw ng anumang pananagutan at buwis (duties and taxes).

Pinahihintulutan pa ng Batas ang Pangulo na tiyakin ang pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo (kasama ang pagkain at gamot) para sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga makatwiran at kinakailangang hakbangin upang mapadali ang paggalaw ng mga pangangailangan (goods) at mga serbisyo gayundin ang pagbawas sa mga hadlang sa proseso ng supply chain (produksiyon at distribusyon ng mga kalakal) sa sukdulang abot ng makakáya. Upang matiyak ang mabilis na paggalaw at pamamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo, dapat tiyakin ng pamahalaan na maiaalis sa lahat ng mga daan ang mga panghihimasok at mga paghadlang sa trapiko, kasama na ang ilegal na konstruksiyon sa mga publikong lugar.

Gayundin, pinahihintulutan ng Batas ang Pangulo na palawigin ang mga dedlayn ng pamahalaan at talatakdaan ng pagsusumite ng mga dokumento opisyal, pagbabayad ng buwis, at iba pang bayarin na hinihingi ng mga batas lampas sa panahon ng kuwarentena.

Dagdag pa, aatasan ng Pangulo ang mga bangko at iba pang institusyong pampinansiya, kapuwa publiko at pribado, kasama ang GSIS, SSS, at Pag-ibig Fund na magbigay ng 30-araw na pagpapalawig ng pagbabayad ng lahat ng utang (kasama ang may iba-ibang utang) gayundin ang mga pagbabayad sa kredit kard na nakatakda kailanman sa buong panahon ng kuwarentena nang walang anumang dagdag na interes, parusa, o iba pang singilin. Ibinibigay din ang katulad na 30-araw na pagpapalawig para sa pagbabayad ng mga renta sa pabahay na nakatakda kailanman sa buong panahon ng kuwarentena.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


14
May iba pa bang espesyal na pansamantalang kapangyarihan (special temporary powers) na ibinibigay sa Pangulo alinsunod sa Batas?

Oo. Ang lahat ng espesyal na pansamantalang kapangyarihan na gagamitin ng Pangulo na pinahihintulutan ng Batas ay tinukoy sa Seksiyon 4. [N.B. Maaari lamang gamitin ng Pangulo ang gayong kapangyarihan sa panahon ng pag-iral ng national health emergency at para lamang sa pagtugon sa gayong emergency.]

Kung kinakailangan para sa publikong kapakanan, pinahihintulutan ng Batas ang Pangulo na patnubayan ang operasyon ng mga pribadong establisimyento (ospital, transportasyon, atbp) upang magsilbing mga area para sa kuwarentena (quarantine area) o bilang lokasyon para sa pamamahagi ng mga ayudang medikal o maging pansamantalang medikal na pasilidad kasama ang pagtatransport at pansamantalang pabahay para sa mga manggagawang pangkalusugan. Ang pamamahala ng gayong mga pribadong establisimyento ay mananatili sa kamay ng mga may-ari nito ngunit kinakailangan na ang mga may-ari ay makapagsumite sa Pangulo ng kompletong akawnting ng kanilang operasyon (kasama na ang mga natamong dagdag na gastusin at pinsala) bilang batayan ng nararapat na kompensasyon para sa kanila.

Alinsunod sa mga limitasyon at proteksiyon ng Konstitusyon, may kapangyarihan ang Pangulo na pangasiwaan ang mga operasyon ng mga pribadong negosyo na tumanggi o nagpasabing wala na silang kakayahang magpatuloy.

Gayundin, pinahihintulutan ang Pangulo na kumuha ng mga pansamantalang manggagawang pangkalusugan para mapalakas ang kasalukuyang kilos paggawa (workforce) sa sektor ng kalusugan at bigyan sila ng government hazard duty pay.

Pinahihintulutan pa ang Pangulo na magpatupad ng mga hakbangin upang protektahan ang mga tao mula sa labis-labis na pagkakamal (hoarding), panghuhuthot (profiteering), pandaraya sa presyo (price manipulation), pandaraya sa produkto (product deception), monopolyo, at “iba pang mapaminsalang gawi” na makaaapekto sa suplay, pamamahagi, at paggalaw ng pagkain, damit, produktong pangkalinisan (hygiene and sanitation products), gamot at medikal na suplays, gasolina, at iba pang mga pangunahing pangangailangan, inangkat man o sariling likha ng bansa.

Nagbigay ang Batas ng mga eksensiyon (labas sa pananagutan) sa Government Procurement Reform Act at pinahihintulutan ang Pangulo na mapabilis (expedite) ang mga paraan sa prokyurment sa pamahalaan sa loob ng pag-iral ng national health emergency na sangkot ang sumusunod na pangangailangan:

  • Personal protective equipment (e.g. gown, mask, googles, face shields, atbp), mga kagamitang surgical, kagamitang medikal, medikal suplays at consumables gaya ng alkohol, sanitizer, tisyu, termometer, karaniwang gamot, testing kit, at iba pang suplay kaugnay ng kalusugan na tutukuyin ng Department of Health (DOH). Ilalaan at ipamamahagi ang gayong mga gamit sa lokal na publikong pasilidad pangkalusugan (gaya sa, ngunit hindi limitado sa UP-PGH, Lung Center of the Philippines, at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital); mga pribadong ospital na may kapasidad na magbigay ng pangangalaga at lunas sa mga pasyente ng COVID-19; at mga publiko at pribadong laboratoryo na may kapasidad na magtest ng mga pinaghihinalaang pasyente ng COVID-19.
  • Mga pangangailangan at serbisyo para sa pagpapabuting panlipunan (social amelioration) ng mga apektadong pamayanan.
  • Upa sa mga ari-arian para sa pabahay ng mga manggagawang pangkalusugan o para sa sentro kuwarentena (quarantine center), estasyon ng medical relief, o pansamantalang pasilidad medikal.
  • Pagdudulot ng iba pang kaugnay na serbisyo.

Binigyan din ng kapangyarihan ang Pangulo na pansamantalang himukin ang mga negosyo na unahin at tumanggap ng mga kontrata para sa mga materyales at serbisyong kinakailangan sa paglaban sa COVID-19 alinsunod sa mga patas at makatwirang pagtatakda. Maaari ding pangasiwaan at takdaan ng Pangulo ang operasyon ng lahat ng transportasyon (lupa, dagat, at himpapawid), sa pribado o publiko man, sa paraang makatutulong sa pamahalaan na tugunan ang emergency sa kalusugan na dulot ng COVID-19.

Mayroon ding espesyal na kapangyarihan ang Pangulo na pahintulutan ang alternative working arrangement para sa mga empleado at manggagawa ng pamahalaan gayundin sa pribadong sektor na umaayon sa enhanced community quarantine at iba pang hakbangin upang tugunan ang emergency sa kalusugan na dulot ng COVID-19.

Pinahihintulutan sa wakas ng Batas ang Pangulo na magsagawa ng mga hakbangin upang matipid at mamantene ang pamamahagi at paggamit ng elektrisidad, gasolina, enerhiya, at tubig upang matiyak ang sapat na suplay ng gayong mga pangangailangan sa panahon ng national health emergency.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


15
Pinahihintulutan ba ng Batas ang Pangulo na baguhin ang anuman sa 2020 badyet ng pamahalaang pambansa?

Oo. Pansamantalang pinahihintulutan ng Batas ang Pangulo na magsagawa ng kinakailangang reprogram, realokasyon, at realaynment ng mga ipon (savings) mula sa 2020 badyet upang matugunan ang COVID-19 emergency gaya sa paglalaan ng mga dagdag na pondo para sa pagpapabuting panlipunan (social amelioration), mga area para sa pagpapagaling (recovery area), at ayuda sa mga apektadong sektor at industriya. Ituturing ang gayong realokasyon bilang awtomatikong paglalaan (automatically appropriated) alinsunod sa Batas na ito para sa panahon ng pag-iral nito. Dagdag pa, maaaring pansamantalang ilipat ang pondo ng mga GOCC o alinmang pambansang ahensiya ng pamahalaan tungo sa pagtugon sa COVID-19 emergency.

[N.B. Maaaring magrealayn ang Pangulo ng ipon (savings) mula sa 2019 pambansang badyet. Pinahintulutan din ng RA 11464 ang pagpapalawig ng paggamit ng 2019 apropyasyon hanggang sa 31 Disyembre 2020.]

Bumalik sa listahan ng mga tanong


16
Ano ang mangyayari sa iba pang proyekto at programa na pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan na hindi kaugnay ng pagtugon sa COVID-19 emergency?

Alinsunod sa Batas, maaaring pansamantalang ihinto ng Pangulo ang mga programa at proyektong pinaglaanan ng pondo ng pamahalaan upang magamit ang mga naipong pondo sa pagtugon sa COVID-19 emergency na may pagpipriyoridad sa operasyonal na badyet ng DOH, PGH, at ng National Disaster Risk Reduction Fund, mga programa ng DOLE para sa mga manggagawang nawalan o nalagay sa alanganin ang hanapbuhay, programa ng DTI para sa ayuda sa hanapbuhay, mga programa ng DepEd para sa nutrisyon sa paaralan, mga programa ng DSWD, mga alokasyon ng LGU, at iba pang pondo sa kagyat na pagtugon (quick response fund) na nakalagak sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. Maaaring ipagpatuloy sa loob ng dalawang piskal na taon ang mga hindi natuloy na programa pagkaraan ng national health emergency.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


17
Pinahihintulot ba ng Batas ang mga donasyon ng mga produktong pangkalusugan?

Oo. Pinahihintulot ng Batas ang donasyon sa pamamagitan ng pamahalaan upang tugunan ang COVID-19 emergency. Alinsunod sa Batas, pinahihintulutan ang Pangulo na tiyakin na hindi maaantala ang donasyon at pamamahagi ng mga produktong pangkalusugan sa mga dapat makatanggap nito at ang gayong produktong pangkalusugan ay sertipikado ng kinauukulang ahensiyang regulatoryo para dito o may klirans mula sa isang akreditadong ikatlong panig (third party) mula sa mga bansang may establesidong regulasyon. Hindi ito aplikable sa mga produktong pangkalusugan na hindi nangangailangan ng klirans o sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Pinahihintulutan din ang Pangulo na makipagpartner sa Philippine Red Cross bilang pangunahing ahensiyang humanitaryo para sa pagtulong—sa pamamagitan ng reimbursement (pagbabalik sa nagastos)—sa mga tao na bahagi ng distribusyon ng mga pangangailangan at serbisyo kaugnay ng paglaban sa COVID-19.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


18
Kanino dapat managot ang Pangulo alinsunod sa Batas?

Pinagtibay ang Batas sa pamamagitan ng lehislasyon ng Kongreso at nagbigay ito ng special emergency powers sa Pangulo. Sa gayon, kailangang mag-ulat ang Pangulo sa Kongreso ng lahat ng isinagawang hakbang ng Sangay Ehekutibo ng pamahalaan sa buong panahon ng idineklarang national health emergency.

Hinihingi ng Seksiyon 5 ng Batas na magsumite ang Pangulo ng lingguhang ulat [tuwing Lunes ng bawat linggo] sa Kongreso hinggil sa lahat ng gawaing ipinatupad, kasama ang halaga at paggugol ng pondo para sa pagtugon sa COVID-19 emergency, simula sa darating na linggo [pagkaraang mapagtibay ang Batas].

Bumalik sa listahan ng mga tanong


19
Pinahihintulot ba ng Batas ang pagkakaroon ng mekanismo ng pagsusuri?

Oo. Nilikha ng Seksiyon 5 ang isang Congressional Oversight Committee na magtatakda kung anong akta, order, tuntunin, at regulasyon ang tumatalima sa mga hanggahang tinukoy ng Batas. Bubuoin ang Oversight Committee na ito ng apat na miyembro mula sa Kongreso—mula sa Senado na hihirangin ng Pangulo ng Senado at mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan na hihirangin ng Tagapagsalita ng Kapulungan.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


20
Maaari bang ipawalang-bisà ng Batas ang alinman sa mga umiiral na batas o regulasyon?

Oo at hindi. Isinasaad ng Seksiyon 7 na sa pagkakataon na ang kapangyarihang ibinigay ng Batas ay sumasalungat sa iba pang batas, order, tuntunin, o regulasyon, mananaig ang mga tadhana ng Batas na ito sa kasalukuyang panahon lamang. Maisasáma dito ang mga batas na pumapatungkol sa mga prokyurment ng pamahalaan at ang pagkuha ng mga pansamantalang manggagawang pangkalusugan. [N.B. Pansamantala lamang ang ganap na pagpapatupad at pagpapairal ng Batas na ito kung kaya pansamantala din lamang ang pagpapawalang-bisà nito sa iba pang batas.]

Tinukoy din ng Seksiyon 8 na kung maideklarang imbalido ang anumang tadhana ng Batas o ang pagpapatupad nito, ang iba pang tadhana at ang pagpapatupad nito “sa sinumang iba pang tao o anumang iba pang pangyayari” ay mananatiling balido at may bisà.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


21
Pinawawalang-bisà ba ng pagdedeklara ng isang health emergency ang Konstitusyon at ang anumang tadhana nito?

Hindi. Patuloy na may bisà ang Konstitusyon. Itinakda din ng Batas na “walang anuman dito ang dapat na ipakahulugan bilang pagpapahina, paghihigpit, o pagbabago sa mga tadhana ng Konstitusyon” (Seksiyon 7) kasama ang Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights) at iba pang garantiyang konstitusyonal.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


22
Parurusahan ba ng Batas ang mga lumabag sa mga tadhana nito?

Oo. Ang paglabag sa Batas na ito ay parurusahan ng pareho o alinman sa dalawang buwan na pagkakakulong o papagmultahin ng hindi bababa sa PHP10,000 ngunit hindi lalampas sa PHP1 milyon, “sa pagpapasiya ng hukuman.” (Seksiyon 6)

Kung ginawa ang paglabag ng isang korporasyon o alinmang legal na entidad (juridical person), ipapataw ang parusa sa pangulo, mga direktor, mga managing partner nito na naging sangkot sa pagsasagawa ng paglabag o nagpahintulot na maisagawa ang paglabag o nabigong pigilin ang paglabag.

Kung ginawa ang paglabag ng isang opisyal publiko o empleado ng pamahalaan, maaaring patawan ng dagdag na parusa ng ganap o pansamantalang pagkakatiwalag sa tungkulin.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


23
Ano ang mga paglabag na maparurusahan alinsunod sa Batas?

Isinaad ng Seksiyon 9 na ganap na ipatutupad at may bisà ang Batas sa panahon lamang ng national emergency (tingnan sa itaas). Kaya, mahalagang bigyang-diin na balido lamang ang mga paglabag sa panahon ng national health emergency.

Tinukoy ng Seksiyon 6 ng Batas ang sumusunod na paglabag:

  • mga opisyal ng LGU na sumuway sa patakaran sa kuwarentena o direktibang itinakda ng pamahalaang pambansa bilang tugon sa COVID-19 emergency [N.B. Ang mga paglabag ng pamahalaang lokal ay nararapat na hindi magsáma ng pagkakaiba sa politika o ideolohiya o di-pagkakaunawaan sa pamahalaang pambansa o sa sinumang kasaping miyembro nito.]
  • mga pribadong establisimyento (ospital, pasilidad medikal at pangkalusugan, sasakyang pangmadla, atbp) na di-makatwirang tumatanggi sa pagkilos ayon sa panuto ng Pangulo
  • pagsangkot sa labis-labis na pagkakamal (hoarding), panghuhuthot (profiteering), pandaraya sa presyo (price manipulation), pandaraya sa produkto (product deception), monopolyo, at “iba pang mapaminsalang gawi” na makaaapekto sa suplay, pamamahagi, at paggalaw ng pagkain, damit, produktong pangkalinisan (hygiene and sanitation products), gamot at medikal na suplays, gasolina, at iba pang mga pangunahing pangangailangan, inangkat man o sariling likha ng bansa
  • pagtanggi na unahin o tanggapin ang mga kontrata para sa materyales o mga serbisyong kinakailangan para sa kuwarentena
  • pagtanggi sa pagbibigay ng 30-araw na pagpapalawig sa panahon ng pagbabayad sa mga utang at renta nang walang dagdag na interes, parusa, bayarin, o iba pang singilin
  • pagkabigong tumalima sa makatwirang limitasyon sa operasyon ng mga nasa sektor ng transportasyon (lupa, dagat, at himpapawid), publiko o pribado
  • paghadlang sa akses sa mga daan, kalye, at tulay gayundin ang pagkakaroon ng mga ipinagbabawal na panghihimasok o hadlang at ilegal na konstruksiyon sa mga publikong pook na ipinag-utos na alisin
  • lahat ng iba pang gawi na maparurusahan alinsunod sa mga umiiral na batas

Bumalik sa listahan ng mga tanong


24
Alinsunod sa Batas, maparurusahan din ba ang mga nagpapakalat ng mga huwad na impormasyon (false information)?

Oo at hindi. Maraming kondisyon ang kailangang maganap. Pinarurusahan ng Batas ang mga (a) indibidwal o grupo na (b) lumilikha, nagpapasimula, at nagpapakalat ng (c) huwad na impormasyon (d) hinggil sa krisis ng COVID-19 sa (e) social media at iba pang platform at (f) ang gayong impormasyon ay “walang balido o benepisyal na epekto sa populasyon, at (g) malinaw na inihanda para magdulot ng gulo, pangamba, anarkiya, takot, o pagkalito.” [tingnan ang Seksiyon 6 (f) ]. Kasama sa iba pang mapapatawan ng parusa ang paggamit ng scam, phishing, fraudulent emails, at iba pang katulad na gawi.

Dagdag ang mga nabanggit sa mga maparurusahang cybercrime offense na tinukoy sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175). Pinarurusahan din ng The Revised Penal Code ang “sinumang tao na, sa pamamagitan ng paglilimbag, litograpiya, o anumang pamamaraan ng publikasyon, ay naglathala o naging sanhi ng pagkakalathala bilang balita ng anumang huwad na impormasyon na mailalagay sa panganib ang kaayusang publiko (public order), o makapagdudulot ng pinsala sa interes o kredit ng Estado” at ang mga pahayag na makapagdudulot ng pagsuway sa mga batas o sa mga awtoridad nito “o labis na pagpupuri sa anumang gawi na pinarurusahan ng batas” (Artikulo 154).

[N.B. Bagaman hindi tinutukoy ng Batas, ang mga huwad na impormasyon ay maaaring ipakahulugan bilang impormasyon na napatunayang malinaw na hindi totoo. Gayunman, ang paglikha o pagpapalaganap ng huwad na impormasyon per se ay hindi makasasapat upang maituring na paglabag alinsunod sa Batas.]

Bumalik sa listahan ng mga tanong


25
Alinsunod sa Batas, ano ang bumubuo sa mga elemento ng gulo, pangamba, anarkiya, takot, at pagkalito na iniuugnay sa pagpapalaganap ng huwad na impormasyon?

Walang tinukoy ang Batas na mga espesipiko at kongkretong elemento ng gulo, pangamba, anarkiya, takot, at pagkalito na, bagaman mauunawaan ng sentido komun, ay may potensiyal na maging subhetibo [kaya] padalos-dalos lamang na tutukuyin at gagamitin [na dahilan ng paglabag] lalo sa panahon ng mga emergency. Gayundin, ang gawi ng pagpapalaganap ng huwad na impormasyon ay maaari ding maling ipakahulugan bilang lantarang pagbatikos sa pamahalaan at ituring sa gayon bilang paglabag na dapat parusahan alinsunod sa Batas, lalo pa kung ang kritisismo ay nakapagdulot ng damdamin ng takot, pangamba, gulo, o pagkalito sa ilang grupo o ilang indibidwal lamang at hindi sa lahat.

Bumalik sa listahan ng mga tanong


26
Kung gayon, protektado pa din ba ang mga karapatang Konstitusyonal ko?

Oo. Alinsunod sa Seksiyon 4 (ee) ng Batas, tinitiyak ang publiko na ang lahat ng mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan para tugunan ang COVID-19 emergency ay isasailalim pa din sa Katipunan ng mga Karapatan (Bill of Rights) at iba pang garantiyang konstitusyonal.

Hindi sinususpende ng Batas ang writ of habeas corpus. Hindi din sinususpende ang mga batayang karapatan na tinatamasa ng bawat mamamayan alinsunod sa 1987 Konstitusyon, ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang karapatan sa patas na paglilitis (right to due process). Binibigyan lamang ng katwiran ng kasalukuyang health emergency ang pagpapataw ng mga tiyak na restriksiyon sa malayang paggalaw at pisikal na pagtitipon ng mga indibidwal alinsunod sa mga patnubay ng kuwarentena na ipinatutupad ng awtoridad. Gayundin, mandatoryong ipinag-uutos ang paglalayo-layo (physical distancing) at ang pagsusuot ng face mask sa mga espasyo publiko.

Bumalik sa listahan ng mga tanong

Maaaring ma-download ang buong teksto ng gabay DITO (Ingles).

Ang gabay na ito ay inihanda ni Propesor Jorge Tigno sa tulong ng mga input mula sa iba pang miyembro ng fakulti ng Departamento ng Agham Pampulitika ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

Ang bersiyong Filipino ay salin mula sa orihinal na Ingles ni Bb Kriscell Labor na nagtapos ng kanyang Batsilyer sa Sining (Agham Pampulitika) mula sa Departamento.

Bahagi ang kampanyang pang-impormasyon na ito ng proyektong UP sa Halalan ng Departamento ng Agham Pampulitika.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *