6 Hunyo 2020
Kami, ang mga nakalagdang guro ng Departamento ng Agham Pampulitika ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ay nagpapahayag ng mariing pagtutol sa nilalaman at kalikasan ng pagpapasa ng Anti-Terror Bill.
Noong 26 Pebrero 2020, ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 1083 o ang Anti-Terror Bill. Noong 1 Hunyo 2020, pinatotohanang kagyat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing panukalang batas. Dalawang araw pagkatapos, sa kabila ng oposisyon mula sa iba’t ibang grupo, inaprubahan ng Kamara ng mga Representante ang bersyon nitong House Bill 6875. Ang layon ng panukalang batas ay baguhin at ipawalang-bisa ang Republic Act 9372 o ang Human Security Act of 2007 (HSA), na bagamat paksa ng kritisismo ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao dahil sa posibleng abuso mula sa mga tagapagpatupad, at sa maling gamit ng salitang human security noong isinabatas ito, ay ayaw din ng mga magpapatupad dahil sa mga sanggâ nito laban sa abuso. Kung ano man, inaalis ng Anti-Terror Bill ang sanggâ na mayroon ang HSA at binabawasan ang parusa sa pag-abuso sa kapangyarihang magpasya ng mga awtoridad.
Sinasaad ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na walang anumang batas ang maaaring ipasa na magkakait ng buhay, kalayaan, at pag-aari sa sinumang tao nang hindi dumadaan sa marapat na kaparaanan ng batas. Bagamat kinikilala namin ang problemang dulot ng terorismo at ang pangangailangang epektibong makatugon ang mga tagapagpatupad ng batas, nangangamba rin kami sa kung paano makaaapekto ang panukalang batas sa indibidwal at kolektibong karapatang pantao. Sa partikular, nais naming ituon ang atensyon sa mga sumusunod na isyu.
Malabong Kahulugan at Pag-abuso sa Kapangyarihan
Anumang batas na nagpapataw ng parusa sa tao o grupong napatunayang nagkasala ay kailangang maging malinaw sa pagpapakahulugan kung ano ang salà. Sa ilalim ng panukalang batas, pinalawak ang saklaw ng gawaing “terorismo” at maaaring magkaroon ng maraming interpretasyon. Ang malabong pagpapakahulugan sa “terrorists” at “acts of terrorism” ay maaaring humantong sa pag-abuso ng kapangyarihan, lalo na kung bawas na ang pagbabantay ng kaukulang institusyon.
Gayundin, pinalalawak ng panukala ang kasapian ng Anti-Terrorism Council (ATC), upang maisama ang ibang pinuno ng mga departamentong pang-ehekutibo (Seksyon 45, SB 1083 at HB 6875). Ang kaso, lahat ng kasapi rito’y nananatiling mga alter-ego o mga itinalaga ng sinumang umuupong pangulo. Binibigyan din ng kapangyarihan ang ATC na magtukoy ng mga tao o organisasyon bilang terorista, dagdag pa sa natukoy na ng United Nations Security Council, para mamanmanan at maimbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Maliban sa probable cause, walang batayan ang ATC sa ganitong pagtukoy. Madali itong magkaroon ng arbitraryong interpretasyon at aplikasyon, lalo na kung walang partisipasyon ang mga sangay ng gubyerno na hindi saklaw ng Ehekutibo, tulad ng Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) (Seksyon 25, SB 1083 at HB 6875).
Binawasan na ang mga sanggâ. Sa panukalang aprubado ng Kongreso, binabaan ang parusa sa hindi awtorisado at malisyosong eksaminasyon at paggamit ng maling ebidensya, mga dinayang dokumento, o mga pekeng ebidensya (Seksyon 37 at 43, SB 1083 at HB 6875).
Gayong nasa kamay ng ATC ang pagpapasya at bawás ang parusa sa abusadong interpretasyon ng batas, maaaring magkaroon ng mga paglabag sa karapatan ng isang indibidwal sa due process. Ibig bang sabihin nito’y ipagpapalagay munang nagkasala ang isang tao bago patunayang inosente?
Karapatang Malaman ng Akusado ang Kanyang Salà
Isa sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon ay ang maipaalam sa akusado ang kalikasan at dahilan ng akusasyon laban sa kanya.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang aarestong upisyal o pinuno ng piitan ang siyang magpapabatid sa akusado ng kanyang karapatan sa sandali ng pag-aresto (Seksyon 30, SB 1083 at HB 6875) at detensyon (Seksyon 29, SB 1083 at HB 6875). Ngunit ipinapanukala na ilan sa mga umiiral na karapatan sa HSA ay tanggalin.
Sa HSA, ang taong minamanmanan o ang isang akusado ay may karapatang malaman ang mga gawain ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas at hamunin sa korte ang ligalidad ng gayong panghihimasok (Seksyon 9, HSA). May karapatan din ang akusado na malaman kung itinigil na ang pagmanman, panghihimasok at pagrekord, kung wala namang isinampang kaso ng paglabag sa anumang batas (Section 10, HSA). Ngunit sa ilalim ng ipinapanukalang hakbangin, tinanggal na ang mga bahaging ito.
May restriksyon din at limitasyon na makita ang mga rekord at talaan, na maaari sanang gamitin ng akusado sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nagsagawa ng malisyosong imbestigasyon sa kanya. (Seksyon 32 at 37, SB 1083 at HB 6875).
Maaaring maging walang kaalam-alam ang akusado sa nangyayari. Kung limitado ang impormasyon, hindi siya makakatugon nang maayos sa anumang akusasyon sa kanya. Ito rin ay paglabag sa karapatan niya sa due process. Kadalasang hindi pumuprotekta sa mahihirap at walang kapangyarihan ang tinatawag na mga “sanggâ”.
Pagmanman at Pagkulong
Sa panukala, ang panahon ng pagmanman ay pinahaba mula sa 30 tungong 60 araw. Kasama sa pagmanman ang paghahanap, pagbuntot, o pag-imbestiga sa indibidwal o organisasyon; o ang pag-wiretap, pakikinig, intersepsyon, pagsilip, pagbasa, at pagrekord ng mga mensahe, usapan, talakayan, binigkas o sinulat na mga salita, kabilang ang pagmanman sa computer at network, at iba pang komunikasyon ng mga indibidwal na pinararatangan o pinaghihinalaang sangkot sa terorismo (Seksyon 16, SB 1083 at HB 6875). Kahit kailangan ang awtorisasyon ng huwes bago magsagawa ng pagmanman, ang mekanismo at kagamitang ginagamit sa mga tinukoy na gawain ay nananatiling nasa kontrol at pagpapasya ng mga yunit at tauhan sa paniktik ng militar.
Ang panahon ng pagkukulong sa pinaghihinalaang terorista nang walang warrant of arrest galing sa huwes ay itinaas din mula tatlo hanggang labing-apat na araw at maaari pang pahabain ng sampung araw sa maksimum. Gayundin, hindi kailangang iharap ng umaarestong upisyal ang pinaghihinalaan sa isang huwes (Seksyon 29).
Lumalabag ang mga probisyong ito sa karapatan ng tao sa komunikasyon at pribasiya na sinumpaan ng estado na pagsisilbihan at poprotektahan.
‘Di na Kailangan ang Atas ng Korte
Isang bahagi ng panukalang batas ang nilaan sa kapangyarihang mag-imbestiga, sumilip at sumiyasat sa mga deposito sa bangko ng isang akusado. Sa kasalukuyang batas, kailangan ng nakasulat na atas mula sa Court of Appeals (CA) bago mabuksan ang deposito ng isang akusado. Ito ang sanggâ na magtitiyak na walang malisyosong imbestigasyon ang maaaring isagawa at walang lalabaging karapatan ninuman.
Sa pinapanukala, hindi na kailangan ng Anti-Money Laudering Council (AMLC) ng atas mula sa korte para makapagsagawa ng imbestigasyon (Seksyon 35, SB 1083 at HB 6875). Maaari itong humantong sa mga walang-habas na imbestigayon ng AMLC, sa utos ng ATC, sa mga kalaban sa pulitika, kritiko, at oposisyon ng alinmang administrasyon.
Ang Papel ng Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR)
Pinanatili ng panukalang batas ang inaasahan sa Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) na magbigay ng “pinakamataas na prayoridad sa imbestigasyon at pagsasakdal sa mga paglabag sa karapatang sibil at pulitikal ng mga tao kaugnay ng pagpapatupad” ng batas na ito. Ngunit tinatanggal na sa CHR ang “concurrent jurisdiction” na isakdal ang mga lumabag sa karapatang sibil at pulitikal ng mga taong napaghinalaan o ikinulong sa mga krimeng nasasaad at maaaring parusahan sa ilalim ng batas na ito (Seksyon 47, SB 1083 at HB 6875).
Pagbabantay
Upang maiwasan ang mga abuso sa bahagi ng ehekutibong sangay, kailangan ang pagbabantay ng lehislatibong sangay. Ang kaso, sa ilalim ng panukalang batas, lubhang pinalabnaw ang kapangyarihang magbantay (Seksyon 50, SB 1083 at HB 6875).
Ginawang taunan imbes na dalawang beses sa isang taon ang pag-uulat ng ATC sa Kongreso. Hindi kailangang may rekomendasyon para sa muling pagtatasa, pagbabago, o pagpapawalang-bisa ng Batas at iba pang probisyon tungkol sa awtorisasyon ng pagmanman sa taong pinaghihinalaan o akusado. Gayundin, hindi obligadong mag-ulat tungkol sa istatus ng mga kaso ang mga korteng mayhawak nito sa dalawang Kamara ng Kongreso at sa Pangulo.
Ang pagbabawas sa kapangyarihang magbantay ay nagbubukas ng posibilidad sa mga abuso sa pagpapatulad ng batas. Imbes na magsilbing bantay sa kapangyarihan ng ehekutibo, ang ibang sangay ng gubyerno ay nagiging kasapakat pa sa sistematikong pagkakait ng mga karapatan.
Panahon at Paraan
Lubha rin kaming nababahala sa napiling panahon at paraan ng pagpapasa ng panukalang ito. Sa gitna ng isang pandemya, pinili pa ng Kongreso na unahin ang isang anti-terror law, na nagbubunsod ng takot imbes na malasakit. Higit dito, may mga kritikal na desisyong ginawa sa loob lamang ng ilang araw—sadyang maikling panahon para sa isang hakbanging nangangailangan ng masusing pagbusisi.
Ilang miyembro ng Kamara ng mga Representante, sa partikular, ang hindi binigyang-pagkakataon ng liderato ng Kamara na maghapag ng rebisyon sa bersyon ng Senado at inaprobahan nang buo ng mayoriya ang bersyong ito ng Senado. Nagkaroon ba ng masusing pagbasa ng mga probisyon at maingat na deliberasyon sa mga mungkahing pagbabago? Ano’t kailangan ng ganitong pagmamadali sa panahon pa man din ng kagipitan sa pampublikong kalusugan?
Pagpigil sa Pagsalungat at Kritisismo
Mariin din naming kinukundena ang marahas na dispersal sa mga mapayapang nagpoprotesta laban sa panukala, sa isang demonstrasyon noong 5 Hunyo 2020 sa campus ng Unibersidad ng Pilipinas Cebu. Kunwang pagpapatupad daw iyon ng general community quarantine sa lungsod. Kung ang isang batas na sinasabing pumuprotekta sa pampublikong kalusugan ay ipinapatupad sa abusadong paraan tulad nito, paano pa kaya ang panukalang Anti-Terror Bill, at ang mga problematiko nitong probisyon?
Bagamat hindi kabilang ang adbokasiya, protesta, pagsalungat, pagtigil sa trabaho, industriyal o maramihang pagkilos, at iba pang paraan ng pagsasabuhay sa karapatang sibil at pulitikal, may panganib kung ipapasakamay sa ehekutibong sangay ang kapangyarihan ng pagsupo sa terorismo. Kapag inabuso, ang batas na ito’y magkikintal lamang ng takot sa mga kritiko ng alinmang administrasyon—isang walang kaparis na sandata.
Nilagdaan ng mga sumusunod na miyembro ng kaguruan ng Departamento ng Agham Pampulitika, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.
- Aries A. Arugay
- Maria Ela L. Atienza
- Aimee Dresa R. Bautista
- Dennis V. Blanco
- Francis Joseph A. Dee
- Jean S. Encinas-Franco
- Miriam Coronel Ferrer
- Perlita M. Frago-Marasigan
- Enrico V. Gloria
- Jan Robert R. Go
- Herman Joseph S. Kraft
- Raisa E. Lumampao
- Ruth R. Lusterio-Rico
- Marielle Y. Marcaida
- Maria Elize H. Mendoza
- Matthew Manuelito S. Miranda
- Jaime B. Naval
- Ranjit Singh Rye
- Jalton G. Taguibao
- Maria Thaemar C. Tana
- Aletheia Kerygma B. Valenciano
- Jean Paul L. Zialcita
Salin mula sa orihinal na Ingles ni Bb Maki de la Rosa